Ibinaba na sa 2nd level o Second alarm ang ilang lugar sa Marikina City matapos bumaba sa 17.9 meters ang water level ng Marikina River bunsod pa rin sa pag-ulan dulot ng bagyong Karding.
Sa official facebook page ng Marikina Public Information Office (PIO), nakaantabay parin ang mga emergency equipment ng lokal na pamahalaan na gagamitin sakaling maapektuhan ng pagbaha ang ilang lugar sa lungsod.
Apektado rin ang ilang lugar sa Marikina partikular na ang brgy. Malanday, Tumana, Barangka, Tañong, Nangka, Sto. Niño, Sta. Elena, Calumpang at iba pang bahagi ng lungsod.
Sa ngayon, nanatili pa ring bukas ang walong gate sa Manggahan Floodway, Pasig City habang ibinaba na sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) no. 1 ang ilang lugar sa National Capital Region (NCR) partikular na sa Marikina City.
Patuloy namang nagpapaalala ang Marikina LGUs sa mga residente na doblehin ang pag-iingat at panatilihing maging alerto para sa kaligtasan ng bawat isa.