Itinaas na sa 3rd alarm ang ilang lugar sa Marikina City, makaraang umakyat sa 18.4 meters ang water level sa Marikina River dahil parin sa pag-ulan dulot ng bagyong Karding.
Sa official facebook page ng Marikina Public Information Office (PIO), nakaantabay na ang mga emergency equipment na gagamitin sakaling maapektuhan ng pagbaha ang ilang lugar sa lungsod.
Apektado ang ilang lugar sa Marikina partikular na ang brgy. Malanday, Tumana, Barangka, Tañong, Nangka, Sto. Niño, Sta. Elena, Calumpang at iba pang bahagi ng lungsod.
Samantala, nanatili pa ring bukas ang walong gate sa Manggahan Floodway, sa Pasig City habang nananatili parin sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) no. 3 ang ilang lugar sa National Capital Region (NCR) partikular na sa Marikina City.
Patuloy namang nagpapaalala ang Marikina LGUs sa mga residente na doblehin ang pag-iingat at panatilihing maging alerto para sa kaligtasan ng bawat isa.