Binaha ang ilang lugar sa Metro Manila kasunod ng malalakas na buhos ng ulan dulot ng bagyong Obet.
Nalubog sa baha ang bahagi ng Mother Ignacia Avenue, Timog Avenue, at N.S Amoranto Senior street sa Quezon City dahil dito umano bumabagsak ang tubig na nanggagaling sa Banawe Street at Araneta Avenue.
Dahil dito, pahirapan ang mga motorista na dumadaan sa lugar bunsod ng hanggang gutter deep na baha kung saan, may ilang kotse ang tumirik sa gitna ng kalsada.
Samantala, apektado naman ang ilang nagnenegosyo sa Valenzuela City matapos makaranas ng pagbaha ang ilang lugar sa lungsod.
Ayon sa ilang negosyante, kahit na mahina ang pag-ulan sa kanilang lugar ay mabilis silang bahain dahilan kaya nagiging matumal ang kanilang mga paninda.
Nangangamba din ang mga residente sa lungsod dahil sa ibat-ibang uri ng sakit ang posibleng makuha sa baha partikular na ang leptospirosis at dengue.
Samantala, siniguro naman ng MMDA na sakaling bumaha sa mga lungsod ay mabilis itong huhupa dahil lahat ng pumping stations sa Metro Manila ay gumagana at walang sira.