Binaha ang ilang lugar dahil sa malakas na pag-ulang hatid ng southwest monsoon o habagat na pina-iigting ng bagyong Henry.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority o MMDA, gutter deep ang baha ngunit passable naman para sa mga motorista ang EDSA Taft MRT Northbound, EDSA Aurora Tunnel Northbound, Ortigas La Salle Gate 6, Quirino Guazon, Panay Avenue sa Quezon City, Pasong Tamo Corner Kalayaan Avenue sa Makati City, AFP Road sa Barangay Holy Spirit sa Makati City, Elliptical Road sa labas ng Quezon ng City Hall.
Maliban dito, nakapagtala din ng pagbaha sa Roxas Boulevard Southbound, Quezon Avenue, Biak-Na-Bato, NEDA, Barangay Tatalon, Victory Avenue, Barangay Catmon, Tantiangco, Niugan at Malabon.
Marikina River
Samantala, nagsimula nang umapaw ang Marikina River sa harap ng walang tigil na pag-ulan.
Nagtaas na ang unang alarma ang pamahalaang lokal ng Marikina matapos lumampas ng 15 metro ang lebel ng tubig sa Marikina River.
Dahil dito, binuksan na ang walong floodgates ng Marikina River kaya’t asahan na umano ang pagbaha sa mga mabababang lugar.
Agad ipag-uutos ng pamahalaang lokal ang evacuation ng mga residente sa sandaling pumalo sa 16 metro ang lebel ng tubig.
Military trucks
Nagpadala na ng military trucks ang Joint Quick Response Team sa mga lugar kung saan maraming istranded na pasahero dahil sa malakas na ulan at pagbaha.
Tig-dalawang military trucks ang ipinadala sa R. Papa Station kung saan napaulat ang hanggang tuhod na baha.
Maghahatid ang military truck hanggang sa Pedro Gil station ng LRT.
Samantalang dalawa ring military trucks ang ipinadala sa Mandaluyong Circle patungo ng EDSA at apat naman ang ipinadala sa Batasan patungo ng Fairview.—Len Aguirre
—-