Daan-daang pasahero ang naistranded habang marami ring motorista ang naipit sa matinding traffic makaraang bumuhos ang malakas na ulan sa kalakhang Maynila kagabi.
Bunsod ito ng mga pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila kasunod ng opisyal na deklarasyon ng PAGASA sa pagpasok ng bansa sa panahon ng tag-ulan.
Kabilang sa mga nakaranas ng gutter deep na baha ay ang northbound ng EDSA Balintawak, Westbound ng Ortigas – Santolan, eastbound ng Eliptical – Quezon Avenue at paligid ng Manila City Hall.
Hanggang tuhod na baha naman ang naranasan sa bahagi ng Victory – Araneta malapit sa Monumento sa Caloocan kaya’t hindi makaraan ang mga light vehicles.
Hanggang bewang naman ang baha sa panulukan ng Araneta Avenue at E. Rodriguez sa Quezon City ngunit agad din namang humupa ang mga nabanggit maghahating gabi.
By: Jaymark Dagala