Inihayag ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na ang transmission tower na pinasabugan sa Kauswagan, Lanao Del Norte kahapon ay nagdulot ng power outages sa ilang bahagi ng Mindanao.
Ayon sa NGCP, gumamit ang hindi pa nakikilalang salarin ng improvised explosives para pasabugin ang Tower 8 Baloi-Aurora 138kilovolt transmission line na matatagpuan sa Sitio San Isidro, Barangay Bagombayan dahilan para matumba ito kahapon ng 4:50pm.
Kabilang naman sa mga naapektuhang lugar ang Zamboanga Peninsula; Zamboanga Del Norte pati na rin ang Dipolog at Dapitan City; Zamboanga Del Sur kasama ang Pagadian at Zamboanga City; Zamboanga Sibugay; Misamis Occidental at ilang bahagi ng Lanao Del Norte.
Kasalukuyan namang nakikipag-ugnayan ang NGCP sa military at local law enforcement para tiyakin ang seguridad sa mga naturang lugar.