Nakakaranas ng bahagyang epekto ng El Niño phenomenon ang 24 mula sa 37 barangay sa bayan ng M’lang sa North Cotabato.
Ayon kay Bernardo Tayong, Disaster Reduction and Management Officer ng M’lang town, ilan sa mga barangay na ito ay naka-depende sa ulan bagamat ilan din sa mga ito na malapit sa irrigation canal ay nakakakuha ng kakaunting tubig.
Sinabi ni Tayong na natuyot na ang ilang irrigation canals dahil sa matinding temperatura na nagsimula sa kalagitnaan ng Disyembre.
Nagpupulong na aniya ang mga pinuno ng mga nasabing barangay para bumuo ng mga solusyon kontra sa epekto ng El Niño phenomenon.
—-