Muling nalubog sa baha, dulot ng pag-ulang dala ng Low Pressure Area na pinalala ng habagat, ang ilang mababang lugar sa Pampanga.
Kabilang sa mga binaha ang Bayan ng Masantol, gaya sa Bagang Elementary School, ilang araw bago ang muling pagbubukas ng klase.
Ayon kay Masantol Mayor Jose Antonio Bustos, hindi lang naman ulan ang sanhi ng pagbaha sa kanilang lugar dahil sadyang mababa ang lokasyon nito bukod pa sa napapalibutan ng ilog at dagat.
Naka-apekto rin anya ang high tide na paiba-iba ang lebel ngayong buwan habang inaasahang mararanasan bukas hanggang sabado ang pinaka-mataas na lebel nito na lalampas ng limang talampakan.
Inabisuhan naman ni Bustos ang mga residente na itaas na ang kanilang kagamitan sa bahay at lumikas ang mga naninirahan sa tabing-ilog.
Bukod sa Masantol, pawang nasa mababang lokasyon din ang mga karatig Bayan ng Macabebe, Sasmuan, Minalin at Apalit.