Umaaray na ang ilang magsasaka matapos sumadsad sa 12 hanggang 17 pesos ang farmgate price ng palay.
Ayon kay Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estavillo, sa probinsya ng Mindoro, aabot lamang sa 17 pesos ang kada kilo ng palay gayundin sa Isabela at Masbate.
Maliban dito, idinadaing na rin ng mga ito ang mataas na presyo ng pataba o fertilizer matapos umakyat sa 3,000 pesos ang kada bag ng pataba na mas mataas ng 200% kumpara sa presyo nito noong Agosto 2021.
Dagdag pa ni Estavillo, sapul din ang kanilang sektor sa serye ng taas-presyo sa produktong petrolyo.
Tinawag din ng grupong Bantay Bigas ‘band-aid solution’ lamang ang tulong na ibinibigay ng gobyerno sa mga magsasaka dahil sa pagsadsad ng farmgate price ng palay.
Aniya, ang 5,000 pesos na ayuda ng Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka ay hindi sapat para makabawi sila mula sa pagkalugi.—mula sa panulat ni Abie Aliño-Angeles