Handa na ang ilang malls sa Metro Manila sa pinahabang shopping hours, sa gitna nang inaasahan nilang revenge shopping, 40 araw bago mag-Pasko.
Inaasahan ng SM Supermalls ang pagbabalik ng kanilang benta kahit na hindi na kapansin-pansin ang dagsa ng mga mamimili.
Ayon kay SM Supermalls Vice President for Corporate Marketing Grace Magno, talagang mga namimili lang ang pumupunta ngayon sa mga mall at nabawasan ang mga pumapasok lamang para magpalamig o mamasyal.
Hiniling naman ng Robinsons Malls na habaan pa ang kanilang mall hours sa proposal na napagkasunduan ng mga establisimyento sa Metropolitan Manila Development Authority.
Ayon kay Robinsons Malls Operations Director Myron Yao, nais nilang palawigin hanggang alas-12 ng hatinggabi ang kanilang mall hours.
Samantala, inihayag ni Ayala Malls Central Operations Cluster Head Pivi Diaz na kahit niluwagan na ang Covid-19 restrictions madalang pa rin ang mga mall-goer na nagtatanggal ng face masks.
Simula ngayong araw, alas-11 na ng umaga hanggang alas 11 ng gabi ang operating hours ng mga mall upang mabawasan ang mabigat na daloy ng trapiko habang papalapit ang holiday season.