Nais ng ilang mga mambabatas na magpatuloy pa rin ang pagbibigay ng pinansiyal na ayuda ng pamahalaan sa mga mahihirap na pamilya sa mga lugar na nasa ilalim na ng general community quarantine (GCQ).
Ayon kay Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate, pili pa rin kasi aniya ang mga uri ng negosyo na pinapayagang magbukas sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ.
Aniya, marami pa ring Filipino ang hindi makalalabas at hindi pa makababalik sa trabaho.
Iginiit naman ni Baguio City Representative Mark Go na marami pa ring negosyo ang mananatiling sarado kaya hindi ito patas para sa mga wala pa ring babalikang trabaho.
Dagdag ni Go, wala rin aniyang isinasaad sa probisyon ng Bayanihan We Heal As One Act na hindi na makatatanggap ng cash aid ang mga mahihirap na pamilya na nakatira sa mga lugar na idineklara na sa ilalim ng GCQ.
Magugunitang, inanunsyo ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na hindi na mapapabilang pa sa mga mabibigyan ng ayuda ang mga residente na nakatira sa GCQ areas.