Nagpaabot ng suporta ang ilang mambabatas sa panukalang Bayanihan 3 nina House Speaker Lord Allan Velasco at Marikina Representative Stella Quimbo.
Batay sa bilang na naitala ng kampo ni Velasco, umabot sa 162 mga miyembro ng kapulungan ang sumusuporta sa naturang panukala.
Kasunod nito, ayon kay ways and means committee chair Joey Salceda, hindi dapat magdalawang-isip ang mga mambabatas sa pagsuporta sa Bayanihan 3.
Ito’y dahil napapanahon, ani Salceda, ang pagpasa sa naturang panukala lalot umabot sa 9.5% ang naitalang gross domestic product ng bansa noong nakaraang taon.
Mababatid na sa ilalim ng panukalang Bayanihan 3 ni Velasco at Quimbo, aabot sa P420-bilyon ang pondo na gagamitin sa paglaban ng bansa kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kabilang dito ang P108-bilyong karagdagang ayuda sa ilalim ng social amelioration program at P25-bilyon para sa COVID-19 vaccines.
Bukod pa rito, kasama rin ang pondo para subsidiyang ibibigay sa mga manggagawa, at internet allowances para sa mga guro’t mag-aaral.