Itinaboy ng Chinese Coast Guard ang ilang mangingisdang naglakas ng loob na mangisda sa Scarborough Shoal.
Kasunod ito ng naging ruling ng International Arbitration Court sa petisyon ng Pilipinas laban sa China sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Matapang na naglayag ang grupo ng mga mangingisda mula sa Masinloc, Zambales ngunit agad silang hinarang ng isang puting Chinese Coast Guard ship sa bukana pa lamang ng Scarborough Shoal.
Tatlo pang mga malalaking barko ng Chinese Coast Guard ang natanaw ng mga Pilipinong mangingisda ang nakabantay umano sa loob ng Scarborough.
Nagpalabas pa ng mga speed boat ang Chinese Coast Guard sakay ang mga tauhan nitong paulit-ulit na nagpapaalis sa mga Pinoy sa lugar na kanila umanong pag-aari.
Samantala, hindi na nagulat pa ang mga mangingisdang pinagtabuyan ng mga Chinese Coast Guard sa Scarbourough Shoal sa kabila ng naging pagpabor ng International Arbitral Court sa kasong isinampa ng Pilipinas laban sa China.
Ayon sa mga Pilipinong mangingisda mula sa Masinloc, Zambales, nagulat pa nga sila dahil hindi naglabas ng mga baril ang mga ito at hindi rin gumamit ng water cannon.
Aniya, masaya sila sa naging resulta ng Arbitration proceedings ngunit wala itong silbi kung hindi pa rin mapapakinabangan ng mangingisdang Pilipino ang Scarborough Shoal at iba pang bahura na sakop ng West Philippine Sea.
Payag naman aniya silang sabay-sabay na mangisda ang iba’ t ibang bansa sa naturang dako tulad ng dati bago pa itong tuluyang angkinin ng China.
By Rianne Briones