Pasok ang ilang media personalities sa ‘narco-list’ ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.
Ayon kay PDEA Director Aaron Aquino, nadoble na ang tatlong libong (3,000) pangalan na nasa narco-list na kinabibilangan ng media, judges, tauhan ng gobyerno at local officials.
Sinabi sa DWIZ ni Aquino na patuloy ang kanilang revalidation na posibleng matapos makalipas ang dalawa hanggang tatlong linggo.
“Nire-revalidate kasi tinitignan namin ‘yung involvement nila sa iligal na droga at this time, tinitignan po ulit, inengganyo ko kasama kong tatlong ahensya para mag-revalidate ulit kami, siguro mga dalawa o tatlong linggo matatapos na ang revalidation, pagkatapos niyan malalaman natin kung ano pa ang role nila sa kalakalan ng iligal na droga.” Ani Aquino
Kaugnay nito, wala pang direktiba sa PDEA para ilabas ang pinakahuling listahan ng narco-politicians.
Ayon ito kay Aquino dahil nais muna nilang palakasin ang mga ebidensya at makasuhan ang mga pulitikong sangkot sa operasyon ng illegal drugs bago ilabas ang nasabing listahan.
Sinabi sa DWIZ ni Aquino na nasa proseso sila ng delisting para mapanagot o maparusahan depende sa papel ng mga nasabing pulitiko sa illegal drugs operations.
“Ma-approve sana ng Presidente ang adjudication process na ‘yun para ma-delist ‘yung mga dapat alisin sa listahan at kung medyo mababaw naman ang kanilang role sa pagkaka-involved sa illegal drugs halimbawa ‘yung mga nang-aarbor lang ng mga naaaresto ay puwede na sigurong i-delist ‘yun pero kung ang role ay talagang nagtutulak, protektor ng iligal na droga at gumagamit ‘yun sana ang masampahan natin ng kaso.” Pahayag ni Aquino
(Ratsada Balita Interview)