Nakatatanggap ng mga death threats ang ilan sa mga medical frontliners sa Marawi City, Lanao Del Sur.
Ayon kay Amai Pakpak Medical Center Chief Dr. Shalimar Raklin, may ilang mga dummy accounts sa social media ang nagpapadala ng mensahe na nagsasabing dapat mamatay na ang kanilang mga health care workers.
Ito ay upang tumigil na umano ang kanilang ospital sa pagdedeklara ng mga namatay na pasyente dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Raklin, ilan kasi aniyang mga residente ang naniniwalang gawa-gawa lamang nila ang mga positive cases sa lugar at idinedeklara lamang na nahawaan ang mga pasyente kahit negatibo para makakuha ng koleksyon mula sa PhilHealth.
Samantala, sa kabila ng pagsasailalim sa modified enhance community quarantine sa Marawi at buong Lanao Del Sur, marami pa ring residente ang tumatangging magsuot ng face masks.