Pawang konsultasyon pa lamang ang hakbang ng Pangulong Noynoy Aquino na ilang beses nang pakikipag-usap kay Senador Grace Poe at maging kay Senador Francis Escudero.
Sinabi ito sa DWIZ ni Congressman Edgar Erice para aniya mapanatili aniya ang coalition partners ng Liberal Party (LP).
Gayunman binigyang diin ni Erice na walang dudang ang susuportahan ng Pangulo sa 2016 ay si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas.
“Gusto ring pakinggan ng Pangulo kung ano ba ‘yung sinasabi ng mga coalition partners namin, pinakikiramdaman niyang mabuti kung ano ‘yung nasa isip ng kanyang mga kausap kaya po paulit-ulit. Alam niyo ang Pangulo ay talagang detalyado ‘yan, sa mga cabinet meeting nababalitaan ko po na paulit-ulit, at ang pinakamaliliit na detalye ay kanyang dini-discuss sa kanyang mga kausap.” Ani Erice.
New LP members
Naniniwala si Congressman Edgar Erice na may papasok na mga Bagong miyembro nila sa Liberal Party.
Sa gitna na rin ito nang lumulutang na pagkalas ng ilang miyembro ng ruling party kapag hindi nagustuhan ang pipiliin ng Pangulong Noynoy Aquino na kandidato ng LP sa 2016 Presidential elections.
Gayunman, sinabi sa DWIZ ni Erice na hindi din siya kumbinsidong ang pagkalas ng ilang miyembro nila ay dahil sa hindi magugustuhang The Anointed One.
“Sa palagay ko po kung may titiwalag man sa Liberal Party ay hindi ang dahilan kung sino ang standard bearer namin, palagay ko may papasok din, alam niyo naman may mga local political dynamics, pare-parehong Liberal maglalaban, may mga ganun pong sitwasyon, at ‘yan po ay pinag-aaralan namin by localities, sa pag-aaral po namin alam po namin na may mga ‘di mapipigilang maglaban na parehong partido, so may titiwalag.” Pahayag ni Erice.
By Judith Larino | Karambola