Namataan ng tauhan ng Philippine National Police-Human Rights Affairs Office (PNP-HRAO) ang ilang menor de edad na kasama sa isinagawang kilos protesta ng pro at anti-Duterte kasabay ng State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes.
Ayon kay Police Brig. Gen. Dennis Siervo, head ng PNP-HRAO, nasa 20 bata, edad lima (5) hanggang sampu (10) ang kanilang nakita sa mga isinagawang demonstrasyon sa nasabing okasyon.
Mayroon pa aniyang napa-ulat na ilang nanay ang nasa kilos protesta habang karga ang kanilang sanggol.
Ani Siervo, hindi dapat isinasama ang mga bata sa ganoong klase ng aktibidad dahil tiyak na nasa alanganin ang kanilang kaligtasan.
Dahil dito, agad umano nilang inireport ang insidente sa PNP Women and Children Protection Center.