Nagpahayag ang ilang Metro Manila mayors, maging ng ilang eksperto, ng pag-sang ayon na palawigin pa ang pag-iral ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa NCR Plus Bubble.
Isa na rito si Parañaque Mayor Edwin Olivarez na pabor na palawigin pa kahit isa pang linggo ang MECQ upang mas maramdaman aniya ang epekto nito sa takbo ng bilang ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Gayundin ang paniniwala ni San Juan Mayor Francis Zamora na bagama’t nakararanas na aniya ng pagbaba ng bilang ng kaso ay masasabi pa ring mataas ang lebel nito kaya’t mas mainam umano na manatili ang MECQ.
Samantala, inirerekomenda rin ni Dr. Rontgene Solante, head ng Adult Infectious Diseases sa San Lazaro Hospital, na i-extend pa ang MECQ ng dalawa o hanggang tatlong linggo.
Nananatili pa rin kasi umano na puno ng COVID-19 patient ang mga ospital sa rehiyon.