Tinutulan ng ilang alkalde sa Metro Manila ang panukalang hindi sabihin sa mamamayan ang brand ng bakunang ituturok sa kanila.
Ito’y matapos ang naging pahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na dapat hindi sabihin ang brand ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine na gagamitin ng local government unit (LGU) sa mga tao upang hidni magkaroon ng mahabang pila.
Binigyang diin nina Navotas City Mayor Toby Tiangco at Marikina Mayor Marcelino Teodoro, kailangang busisiin mabuti ng pamahalaan ang naturang direktiba dahil maaaring magdulot ito ng kawalan ng tiwala ng publiko sa bakuna.
Giit ni Teodoro na karapatan ng publiko na malaman kung anong brand ng bakuna ang ituturok sakanila.
Ang naturang desisyon ng DILG ay bunsod ng rekomendasyon ng Department of Health (DOH).
Ipinabatid naman ng DOH na walang dapat ikabahala ang publiko dahil lahat ng bakuna ay dumaan sa matinding pag-aaral kaya’t ligtas ito at epektibo.
Bukod dito, ipinaliwanag ni Año na nirerespeto pa rin nila ang karapatan ng publiko ngunit ito’y para makaiwas sa pagdami ng tao na pipila sa mga vaccination center na maging resulta pa ng pagtaas ng bilang ng kaso sa bansa.