Kinansela na ng ilang mga local government units (LGUs) sa Metro Manila ang mga nakatakdang aktibidad sa kani-kanilang mga lugar dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa Parañaque City, ipinasuspinde na ni Mayor Edwin Olivarez ang recognition activities sa mga day care center sa lungsod.
Gayundin ang lahat ng aktibidad na may kinalaman sa ika-22 anibersaryo ng cityhood ng Parañaque tulad ng beauty pageant, theater play, at street parade.
Sa Mandaluyong City, kinansela na ni Mayor Menchie Abalos ang mga aktibidad para sa mahal na araw sa lungsod tulad ng Senakulo, at maging mga paliga sa basketball para sa mga fiesta.
Ipinagbawal na rin ni Abalos ang lahat ng mga pagtipon-tipon ng mga senior citizen sa Mandaluyong City lalu na’t bantad aniya sa virus ang mga ito.
Samantala, sinuspinde naman ng city government ng Taguig ang nakatakdang aplikasyon para sa kanilang scholarship program ngayong araw.