Tutol ang ilang mga pediatric at infectious disease expert sa naging pasiya ng mga alkalde sa Metro Manila na payagan na ang paglabas ng mga batang may edad 15 hanggang 17 taong gulang.
Ayon kay Dr. Rontgene Solante, pinuno ng adult infectious diseases and tropical medicine unit ng San Lazaro Hospital, masyado pang maaga para sa naturang pasiya ng mga alkalde sa NCR.
Paliwanag ni Solante, posibleng maging delikado ang pasiya ng mga Metro Manila mayors na palabasin na ang mga kabataang may edad 15 hanggang 17 anyos kasabay na rin ng pagbubukas ng mga arcade at iba pang mga recreational facility.
Binigyang diin ni Solante, dapat inuna na lamang ibalik ang face to face classes kung palalabasin na rin naman aniya ang mga bata.
Samantala, sinabi naman ni Dr. Cynthia Juico ng Philippine Pediatric Society na maituturing na super spreader ang mga bata dahil karaniwang ubo, sipon, lagnat at pagtatae lamang ang madalas na nakikitang sintomas ng COVID-19 sa mga ito.
Maliban dito, mahirap din aniyang pasunurin sa minimum health standards ang mga bata.