Tinukoy ng mga eksperto mula sa OCTA Research Group ang ilang mga lugar sa Mindanao na itinuturing na areas of concern dahil sa patuloy na pagkalat ng COVID-19.
Sa inilabas na tala ng OCTA, ang mga tinukoy na areas of concern ay ang mga sumusunod: Cagayan De Oro, General Santos, Cotabato at Davao –na ayon sa research group ay posibleng mahigitan ang Quezon City pagdating sa dami ng bagong kaso ng virus.
Mababatid na nakitaan ang Davao City ng 54% na pagtaas ng kaso ng COVID-19 nitong nakalipas na linggo mula 134 cases ay umakyat ng 206 na kaso ng virus mula Mayo 31 hanggang Hunyo 6.
Sa labas naman ng Mindanao, tinukoy na areas of concern ang mga lungsod ng Bacolod, Iloilo, Dumaguete at Tuguegarao.
Sa kaparehong datos ng OCTA Research Group, nananatili pa ring nasa mataas ang healthcare utilization rate sa mga probinsya ng Iloilo, Misamis Oriental at Cagayan.
Kasunod nito, nanawagan ang mga eksperto mula sa OCTA, na patuloy na sumunod sa umiiral na health protocols kontra COVID-19 para makatulong sa pagkontrol ng pagkalat pa ng nito.