Pansamantala munang itinigil ng Philippine General Hospital (PGH) ang ilang mga medical o elective procedures na naka-schedule at hindi emergency.
Sa pahayag ni PGH spokesperson Dr. Jonas Del Rosario, ang paghinto sa nasabing operasyon ay bunsod ng pagdami ng mga pasyente sa kanilang Emergency Room (ER) kung saan, nagdagdag na sila ng 10 hanggang 15 beds para sa mga pasyente.
Ayon kay Del Rosario, nasa 70 lamang ang kapasidad sa kanilang ER pero umabot na ito sa 150.
Karamihan sa mga naa-admit ay mga hindi COVID-19 patients kundi ang mga nakakaranas ng Pneumonia, diabetes, sakit sa puso, baga at buto.
Sakop din nito ang mga naaksidente, mga may physical injury at mga trauma patients.
Sa ngayon, nagkasa na ang PGH ng Code Trial kung saan, tanging tinatanggap lamang ang mga LIFE o Limb Threatening Emergency.