Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na marami pa ring mga Filipino ang nag-aalangang umuwi sa bansa sa kabila ng kaguluhan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Ayon kay DFA Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Sarah Lou Arriola, nasa 181 mula sa 300 Pilipino ang naitala sa Ukraine.
Maging ang mga kabilang sa higit 40 Pilipino sa Eastern City ng Lviv ay nagpasyang hindi mag-avail ng repatriation at umaasa na ang digmaan sa pagitan ng Ukraine at Russia ay mabilis na mareresolba.
Sinabi pa ni Arriola na ilang mga Pilipino ay ayaw makipag-ugnayan sa mga kawani ng DFA dahil sa takot na sila ay puwersahang ibalik sa Pilipinas. Ang iba ay nag-aalangang umuwi dahil mayroon silang mga asawang Ukrainian at maging mga anak, habang ang ilan ay mga domestic worker na piniling sumama sa kanilang mga amo.
Samantala, patuloy na hinihikayat ng DFA ang mga Pilipino na umuwi ng bansa. —sa panulat ni Airiam Sancho