Nagsagawa ng kilos protesta kahapon sa harap ng Kampo Aguinaldo ang aabot sa humigit kumulang 50 miyembro ng militanteng grupo.
Nabatid na ang ilan sa mga nagprotesta ay galing pa sa Cagayan Valley na pawang mga magsasaka at mga miyembro ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura (UMA) at Anak Pawis.
Gamit ang mga plakard, isinisigaw nila ang pagbuwag sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ayon sa Chairperson ng KMP–Isabela na si Renato Gameng, dapat ay tuluyan nang tanggalan ng pondo ang ELCAC dahil bukod sahirap na ang mga magsasaka dahil sa red-tagging na ginagawa ng mga militar ay hindi narin makapagtanim ang mga magsasaka sa kanilang rehiyon dahil sa takot na baka maaresto.
Bukod pa dito, kinalampag din ng mga militanteng grupo ang senado kung saan patuloy na tinatalakay kung dapat bang tapyasan ng pondo ang ELCAC kung saan, mula sa P28 billion, dapat ay gawin na lamang itong P4 billion. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9), sa panulat ni Angelica Doctolero