Kinondena naman ng ilang militanteng grupo ang naging banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibabagsak nito ang batas militar.
Ito’y sa sandaling hindi tumigil ang New People’s Army (NPA) sa paghahasik nito ng kaguluhan sa gitna ng kinahaharap na pandemya ng bansa sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa Makabayan Bloc sa Kamara, hindi dapat ginagawang dahilan ng Pangulo ang kasalukuyang sitwasyong pangkalusugan para isingit ang pagdideklara ng batas militar.
Giit naman ng bagong Alyansang Makabayan o bayan na marami pang paraan para tugunan ang kasalukuyang problema ng bansa maliban sa pagpapatupad ng martial law.
Ayon kay Bayan Sec/Gen. Renato Reyes, dinadala ng administrasyon ang diskurso sa ibang problema dahil bigo itong tugunan ang kasalukuyang krisis pangkalusugan ng bansa.