Nanawagan ang ilang grupo ng mga motorcycle riders kay Pangulong Rodrigo Duterte na sertipikahan bilang urgent ang Motorcycle Taxi Law.
Ito ang batas na naglalayong gawing ligal ang pag-ooperate ng mga motosiklo bilang pampasaherong sasakyan.
Ayon kay Angkas Biker-Partners Representative for Riders’ Affairs Romeo Maglunsod, matagal nang isinumite ang nasabing panukala.
Panahon na aniyang gawin itong ganap na batas at mahigpit na maipatupad para mas matiyak ang kaligtasan ng mga mananakay ng motorcycle taxi.
Magugunitang pinalawig pa ng Department of Transportation Inter-Agency Technical Working Group ang pilot run ng motorcycle ride hailing app na Angkas kasama ang dalawang bagong player na Joyride at Move It sa loob ng tatlong buwan.
Gayunman oras na mapaso ang pilot run sa Marso, sinabi ng ahensiya na hindi na ito palalawiging muli at sa halip ay kinakailangan nang hintayin ang pagpapasa sa Motorcycle Taxi Law.