Nagtaas na rin ng singil ang ilang Medium, Small and Micro-Enterprises dahil sa umaalagwang presyo ng asukal at ilan pang sangkap.
Sa ilang tindahan ng Milktea sa Caloocan, nagtaas na ng hanggang P6.00 ang kada cup ng kanilang produkto maging ang ilang pastries shop sa Cubao, Quezon City.
Inihayag ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) na maraming kompanya na maliit o malaki ang apektado ng pagtaas ng presyo ng asukal.
Ayon kay PCCI president George Barcelon, bahagyang bumagal ang produksyon ng mga beverage manufacturer habang pansamantalang tumigil ang operasyon ng ilang maliit na negosyo.
Inihirit naman ni Restaurant owners of the Philippines (RESTO PH) president Eric Teng sa gobyerno na mag-angkat muna ng asukal upang mapahupa ang presyo nito sa merkado.
Dapat din anyang tulungan ng pamahalaan ang Sugar Farmers para maparami ang local supply, lalo’t mahalaga ang asukal sa “dietery life” at halos lahat ng pagkain ay mayroon nito, tulad ng instant coffee at cake.