Nangangamba ang ilang dayuhang negosyante sa Boracay, Aklan sa posibleng pagkalugi nila sa oras na ipasara ang isla sa loob ng kalahating taon.
Aminado ang mga naturang negosyante na ilan sa kanila ay hindi pa nababawi ang ipinuhunan kaya’t wala pa silang ideya kung saan pupunta sa oras na ipasara ang isla simula sa Abril 26.
Ayon kay Philippine Travel Agencies Association Executive Vice President Patty Chiong, posibleng hindi na bumalik sa Boracay ang mga maaapektuhang foreign investor.
Hindi anya malayong maglagak ng puhunan ang mga dayuhang negosyante sa ibang tourist destination tulad sa Bali, Indonesia at Phuket, Thailand kahit alukin na mamuhunan na lamang sa ilan pang bahagi ng Pilipinas.