Nagpapasaklolo na ang ilang Overseas Filipino Workers (OFW) sa Macau makaraang maapektuhan ang kanilang hanapbuhay ng COVID-19 restrictions.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), nasa 5,000 hanggang 26,000 OFW sa Macau ang apektado ng panibagong restrictions.
Ilan sa kanila, wala na umanong pambili ng pagkain kaya’t nakikipag-agawan na pagkaing ibinibigay sa isang restaurant.
Karamihan sa mga apektado ang mga nagtatrabaho sa commercial at industrial sector na tigil-operasyon dahil sa muling pagtaas ng COVID-19 cases habang ang mga nasa food businesses, groceries at essential services lamang ang pinapayagang mag-operate.
Inihayag ni DMW Spokesperson Toby Nebrida na sinimulan na nilang magkaloob ng financial assistance na 50 dollar vouchers upang ipambili ng pangangailangan ng mga OFW.
Nagkakaloob din ng 200 dollar one time assistance sa mga tatamaan ng COVID-19.
Samantala, tiniyak naman ni Nebrida na nakikipag-ugnayan na sila sa mga Filipino Overseas Labor Offices upang matulungan ang mga apektadong OFW.