Kumalas na rin sa pwesto ang ilan pang opisyal ng Partido Reporma at ilang cavite-based official matapos ang pagbibitiw ni Presidential Candidate at Senator Panfilo Lacson sa partido.
Kabilang sa mga tumiwalag si Dating Magdalo Rep. Ashley Acedillo, dating tagapagsalita ng partido pero kanyang nilinaw na susuportahan pa rin niya ang kandidatura ni Lacson at magsisilbi nitong spokesman.
Nagbitiw din ang chairman ng Cavite chapter ng partido na si Atty. Rafael Rodriguez at tulad ni Acedillo ay susuportahan pa rin ang presidential bid ng senador bilang kapwa niya Caviteño.
Kahapon ay inanunsyo ni Lacson ang kanyang pagkalas sa partido reporma at nagpasyang maging independent candidate na lamang makaraang suportahan ni Dating House Speaker Pantaleon Alvarez, pangulo ng partido, ang kandidatura ni Vice President Leni Robredo.