Mahigit 10 Senador na umano ang hindi na nasisiyahan pa sa istilo ng pamamahala sa bansa ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang ginawang pagbubunyag ni Senador Antonio Trillanes IV matapos makakuwentuhan ang mga nasabing Senador na hindi na niya pinangalanan.
Giit ni Trillanes, mas nauunawaan pa niya ang ilang Senador na piniling manahimik na lamang kaysa sa ilang mga aniya’y nagsisilbing apologist ng Pangulong Duterte.
Dagdag pa ni Trillanes, may ilang opisyal na rin ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang naghahayag na rin ng kanilang disgusto sa Pangulo lalo na nang i-anunsyo nito ang pagdistansya ng Pilipinas sa Amerika.
Sen. Trillanes hinimok ang publiko na maging mapagmatyag
Hinimok ni Senador Antonio Trillanes IV ang publiko na maging mapagmatyag at buksan ang mga mata sa mga aniya’y harapang panloloko ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasunod na rin ito ng mga pangako ng Pangulo sa harap ng publiko na hindi naman tinutupad at hindi kayang pangatawanan tulad na lamang ng hindi nito pagmumura.
Iginiit din ni Trillanes na kahit anong paumanhin ang gawin ng Pangulo, hindi pa rin nito mai-aalis ang libu-libong nasasawi dahil sa kampaniya kontra iligal na droga.
Kumpiyansa rin ang Senador na si Pangulong Duterte ang siyang utak ng mga nangyayaring patayan sa buong bansa.
By: Jaymark Dagala / Cely Bueno