Pitong pribadong ospital sa Iloilo City ang hindi na magre-renew ng kanilang accreditation sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) dahil sa unpaid claims na nagkakahalaga ng 895-million pesos.
Ayon kay Dr. Danny Encarnacion, Presidente at CEO ng Metro Iloilo Hospital & Medical Center Inc., pinaghahandaan na nila ang kanilang pagkalas sa state insurer sa January 1, 2022.
Iginiit ni Encarnacion na nagkaroon sila ng pagpupulong kasama ang PhilHealth noong December 20, ngunit wala naman aniyang nangyari at umapela lamang ang state insurer na huwag nilang ituloy ang pagkalas.
Kabilang sa mga ospital na kakalas sa PhilHealth ay ang Iloilo Doctors’ Hospital, Iloilo Mission Hospital, Medicus Medical Center, Qualimed Hospital Iloilo, St. Paul’s Hospital of Iloilo at the Medical City of Iloilo.
Sinabi naman ni Encarnacion na pagdating ng January 1 ay tatanggap pa rin sila ng mga PhilHealth members ngunit hindi na nila ibabawas ang mga benepisyo mula sa state health insurer.