Anim na ospital sa bansa ang nakatanggap ng pagkilala mula sa dalawang global health organizations na World Stroke Organization (WSO) at Accreditation Canada International (ACI).
Ayon sa Department of Health (DOH), nakakuha ng Angel Award Diamond status ang Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City at Governor Celestino Gallares Memorial Medical Center sa Tagbilaran City, Bohol mula sa WSO.
Nagkamit naman ng Angel Award Gold status mula sa organisasyon ang Northern Mindanao Medical Center, Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital, at Jose R. Reyes Memorial Medical Center.
Samantala, muling nakatanggap ng Diamond level status mula sa AIC ang Philippine Heart Center (PHC) sa Quezon City.
Nabatid na ito na ang ikatlong beses na nakuha ng PHC ang Diamond level, dahil sa exemplary performance nito sa pagbibigay ng kalidad na medical services.
Nagpaabot naman ng pagbati ang DOH sa mga nabanggit na healthcare institutions sa pagkakaloob ng mga ito ng world class service at dedikasyon.