Nagsasagawa na rin ang ibang ospital ng convalescent plasma therapy kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ito’y dahil sa magandang resulta na pinapakita nito sa mga pasyente.
Gaya aniya sa St. Luke’s Medical Center kung saan nagsimula na rin ng kanilang plasma therapy sa kanilang mga COVID-19 patient na kritikal ang kondisyon.
Kumakalap na rin umano ng donasyon ng mga plasma ang Lung Center of the Philippines para makapagsagawa ng nasabing therapy.
Matatandaan na ang Philippine General Hospital ang unang gumawa ng nasabing pamamaraan ng panggagamot sa mga pasyente nilang tinamaan ng COVID-19 na nasa malubhang kondisyon.
Sinasabi kasi ng mga eksperto na makakatulong sa mga COVID-19 patient ang antibody mula sa dugo ng mga pasyenteng gumaling na sa nasabing virus.