Ilang paaralan sa Quezon City ang mananatili sa blended learning sa kabila ng full implementation ng face-to-face classes.
Itinurong dahilan ni Quezon City Schools Division chief Jenny Corpuz ang kakulangan ng silid-aralan.
Ayon kay Corpuz, 10 sa 158 paaralan sa lungsod ang hindi makabalik sa tradisyunal na sistema ng pagtuturo.
Ang mga ito ay ang Justice Cecilia Munoz Palma High School; Bagong Silangan; Batasan; Balara; San Bartolome; Novaliches; Doña Rosario; New Era; Emilio Jacinto High Schools at Ismael Mathay Senior High School.
Hindi naman anya mahihirapan sa blended learning ang mga estudyante dahil may ipinamigay na tablet ang lokal na pamahalaan.
Samantala, hinikayat ni Corpuz ang mga mag-aaral na patuloy na magsuot ng face mask sa kabila ng pagpayag ng Department of Education na gawing optional ang pagsusuot nito sa mga indoor area, gaya ng silid-aralan, alinsunod sa Executive Order 7.