Inilikas na ang 42 pamilya mula sa mga bayan ng Flora at Luna sa lalawigan ng Apayao dahil sa matinding pagbaha dulot ng bagyong Odette.
Ipinabatid ni Department of Social Welfare and Development o DSWD Cordillera PIO Neriza Villanueva na inilikas nila sa San Juan Elementary School sa Sta. Marcela ang 34 na pamilya, pitong pamilya sa Bacsay Luna Elementary School at isang pamilya naman sa Dagupan, Luna ang lumikas sa kanilang mga kaanak.
Dalawang bahay naman sa bayan ng Sta. Marcela ang sinira ng bagyong Odette.
Ayon naman kay OCD Cordillera Information Officer Franzes Ivy Carasi, nawalan ng kuryente sa mga bayan ng Boliney, Danglas, Bucay at Tubo sa Abra dahil din sa hagupit ng bagyong Odette.
Samantala, isang magsasaka na rin ang nasawi matapos malunod sa Pudtol, Apayao dahil pa rin sa bagyong Odette.
Sarado pa rin umano ang limang national roads sa Cordillera Region dahil sa pagguho ng lupa.
Kabilang dito ang Junction Talubin Barlig Natonin Paracelis Road partikular ang Balabag Section, Abra Kalinga Road, Conner Kabugoa Road, Apayao Ilocos Norte Roads at Banaue Hunduan Benguet Boundary Road.
—-