Bukod sa libreng uniforms, sapatos, at school supplies, mayroon na ring unlimited internet access ang mga mag-aaral at guro sa ilang pampublikong paaralan sa lungsod ng Makati.
400 na silid-aralan mula sa mga pampublikong paaralan ang target ng lokal na pamahalaan na gawing “smart classrooms” na mayroong unlimited internet at charging stations.
Dito, makakagamit din ang mga mag-aaral at guro ng touchscreen whiteboards na may Android operating system at multi-gesture writing features.
Mayroon ding ibinibigay na notebook tablets para sa mga mag-aaral.
Ayon kay Makati Mayor Abby Binay, layon ng lokal na pamahalaan na gumamit ng modernong teknolohiya upang patuloy na makapagbigay ng dekalidad na edukasyon.
Tiniyak din ng alkalde na palalawakin ng lungsod ang inisyatibang ito sa hinaharap.