Ilan pang kaanak ng SAF 44 ang nagsampa ng kaso laban kay dating Pangulong Noynoy Aquino.
Sinamahan ng grupong Volunteers Against Crime and Corruption ang mga kamag-anak ng mga nasawing pulis na ihain sa tanggapan ng Ombudsman ang ikalawang reklamong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide.
Kapwa-akusado ng dating Pangulo ang mga nasibak na hepe ng pulisya na si General Alan Purisima at SAF Commander Getulio Napeñas.
Iginiit ng nasabing reklamo ang mga alegasyon sa naunang reklamo ng mga kaanak na dapat umanong managot si dating Pangulong Aquino sa kinahinatnan ng operasyon sa Mamasapano, Maguindanao noong January 25, 2015.
Anila, kasalanan ng dating Pangulo na hinayaan niyang makisali si Purisima sa pagpaplano ng operasyon sa kabila ng pagiging suspindido nito noong mga panahong iyon.
Dapat din anilang managot si dating Pangulong Aquino dahil sa hindi nito agarang pagpapadala ng tulong at dagdag na pwersa ng mga pulis.
By: Avee Devierte