Balik operasyon na ang ilang pantalan sa Luzon, partikular na sa Batangas at Matnog sa Sorsogon, maging sa Mimaropa para sa mga cargo at pasaherong nais na makasakay ng barko para makatawid ng dagat.
Ito’y matapos maantala ang mga byahe dahil sa sama ng panahon hatid ng bagyong Dante.
Ayon kay Joselito Sinocruz, port manager ng port management office ng Batangas Port, hindi na hihintayin pa ang oras na dapat na biyahe ng mga barko para aniya maubos na ang mga naantalang biyahe ng rolling cargoes.
Sinabi naman ni Achilles Galindes, acting divison manager ng Matnog Port, mula kahapon hanggang kaninang umaga ay nakapagtala na ng 25 biyahe mula matnog patungong Northern Samar.
Samantala, normal na rin ang operasyon ng Philippine Ports Authority sa bayan ng Mogpog Marinduque.