Pinagsabihan ni MMDA Task Force for Special Operations Chief Bong Nebrija ang ilang pasahero na nagmura umano at nanigaw sa isang traffic enforcer na nan-ticket sa bus na sinasakyan ng mga ito dahil sa traffic violation.
Sa Facebook live, mapapanuod si Nebrija na nagtungo sa mga tauhan ng MMDA para sana sitahin ang kanilang traffic enforcer na tila hindi alam ang gagawin sa kalsada.
Ngunit dito na nagsumbong ang traffic enforcer na aniya’y hindi makapagpokus sa kanilang trabaho dahil sa mga pasaherong minumura sila at sinisagawan ng isang bus na kaniyang tinicket-an.
Dito nilapitan ni Nebrija ang mga pasahero na lulan ng naturang bus at pinagsabihan na huwag silang sisihin, sigawan at murahin dahil ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho.
Sinagot pa ni Nebrija ang isang pasahero na nagsabing sila ang nagpapasweldo sa mga ito, ani Nebrija, siya man ay nagbabayad din ng buwis at kaya naman din ginagawa nila ang kanilang tungkulin.
Iginiit ni Nebrija sa mga pasahero na kung nais ng pagbabago ay sumunod sa mga alintuntunin para mapabuti ang sitwasyon ng trapik sa EDSA.