Iniimbestigahan na ng City Veterinary Office ng Dasmariñas, Cavite ang cat pound sa Barangay San Jose.
Ito’y kaugnay sa posibleng kapabayaan, matapos makunan ng video ang ilang pusa na kinakain ang labi ng mga kasama nilang pusa.
Nadiskubre ang sitwasyon ng mga pusa sa cat pound nang pumunta ang residenteng si Ginang Yvette Mayo para tulungan ang kaibigan na hanapin ang alaga nitong pusa.
Hinala ni Ginang Yvette, hindi pinapakain ng tama ang mga pusa, kaya ito nangyari.
Kita rin sa video ni Ginang Yvette na nanghihina ang ilang pusa, puno ng dumi ang lalagyan nila ng tubig, at walang pagkain sa kanilang kulungan, kaya pinakain ang mga ito ng nabanggit na residente.
Kaugnay nito, pansamantalang pinatigil ng Dasmariñas City Veterinary Office ang panghuhuli ng Barangay San Jose ng ilang ligaw na hayop para maayos ang kanilang sistema at ma-brief o makausap ang mga empleyado ng cat pound. – sa panunulat ni Charles Laureta