Nagtagumpay ang ilang Pilipino na makapasok sa pulitika sa Amerika matapos ang idinaos na midterm elections ngayong buwan.
Ayon kay Brendan Flores, Pangulo at National Chairperson ng National Federation of Filipino American Associations (NAFFAA), itinuturing nilang pinakamalaking achievement sa November elections ang mas marami pang Pilipinong nagwagi sa pagtakbo sa public office.
Binigyang diin ni Flores na ang panibagong tagumpay ng mga Pilipino ay magsisilbing inspirasyon sa mga Pinoy Americans at iba pang minority community para magsalita, makiisa at makinig.
Excited na aniya silang makita ang pag-unlad ng mga komunidad dahil sa pangangasiwa ng mga Fil Ams na nagbibigay ng kakaibang uri ng liderato na hinugot mula sa kanilang malalim na pagmamahal sa kanilang mga pamilya at mga komunidad.
Si Steven Raga ang kauna-unahang Fil Am sa New York State Legislature samantalang si Maria Cervania ay ngayo’y unang Pinoy American na miyembro ng North Carolina Legislature matapos manalo sa eleksyon para katawanin ang District 41.
Ilan pa sa mga Fil Am na wagi sa eleksyon sina Justin Jones bilang kinatawan sa District 52 sa Tennessee, Luz Bay sa New Hampshire House of Representatives bilang kinatawan ng Straford County District 21, Genevieve Mina sa Alaska House of Representatives para sa District 19.
Pasok din sina Erica Mosca na State Assembly Member para sa District 14 sa Nevada, Rosebella Martinez sa State House of Representatives para sa District 40 sa Ewa, Hawaii ; Brandon Elefante at Henry Aquino ay mga nabotong senador sa Hawaii State Senate.
Sa California, re-elected si Rob Bonta bilang Attorney General para sa estado ng California kung saan mahigit kalahating milyong Pilipino ang nakatira samantalang nananatiling highest ranking Fil Am na elected official si Bobby Scott na nanalo sa Third Congressional District sa Virgnia.
Si Kenneth Mejia ng Los Angeles ay naluklok bilang first Pinoy American City Controller sa Burbank City.