Kinumpirma ng Manila Economic and Cultural Office o MECO na may mga Pilipino na nasaktan sa malakas na lindol sa Taiwan noong Sabado.
Gayunman, sa panayam ng DWIZ, nilinaw ni Atty. Mario Molina, Direktor ng MECO Kaohsiung na minor injuries lamang ang natamo ng mga hindi pinangalanang Pinoy.
Aniya, bagama’t may mga bahagyang nasugatan ay wala pa namang iniuulat na casualty na Pinoy sa naturang pagyanig.
Subalit, sinabi ng MECO official na inaalam pa nila kung may mga nakasamang Pinoy sa mga na-trap sa ilang gumuhong gusali.
“Ang problema dito is there are mga 100 plus missing pero it varies eh, dito naman may mga news reports na less than that already, so until we find out for sure kung sino yung mga nasa building ay hindi talaga natin malalaman for sure.” Pahayag ni Molina.
Muli ding pinawi ng MECO ang pangamba ng pamilya ng mga OFWs sa Taiwan na nasaktan sa nangyaring malakas na lindol.
Ayon kay Atty.Molina, nasa mabuti nang kalagayan ang mga Pinoy na nakumpirma nilang nasaktan sa lindol.
Sinabi ni Molina na karamihan sa 14,000 Pilipinong manggagawa sa Taiwan ay mga factory workers na bagamat apektado rin ng lindol ay hindi kasing grabe ng pagkawasak at pagguho ng mga kabahayan doon.
By Jelbert Perdez | Len Aguirre | Ratsada Balita