Nagpaabot ng pagbati para sa bagong taon ang ilang pinuno ng mga Local Government Units (LGU ) sa National Capital Region (NCR).
Sa ipinalabas na mensahe ni Manila Mayor Isko Moreno, kanyang hinikayat ang mga Pilipino na manataling matatag sa mga darating pang pagsubok sa buhay ngayong bagong taon.
Hiling din ni Moreno na dinggin ng panginoon ang bawat panalangin sa buhay ng lahat.
Samantala, hangad naman ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na mapuno ng pag-unawa, pagmamahal at kabutihan ang bawat isa sa kanyang mga nasasakupan ngayong bagong taon.
Nawa’y magpatuloy aniya ang lahat ng mga taga-lungsod ng Quezon sa pagtahak sa daan patungo sa pagtataguyod ng bansa.
Hinimok din ni Belmonte ang pakikipagtulungan ng lahat ng kanyang nasasakupan para sa isang matatag, progresibo at masaganang lungsod Quezon.