Natuklasan ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Quezon na ilang Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa Eastwood City, Libis ang walang sapat na dokumento para mag-operate.
Ito ang inihayag ng Quezon City LGU, matapos ang ikinasa nilang sorpresang inspeksyon sa ilang POGO hubs sa lugar.
Nabatid na walang maipakitang sanitary permit, location at environmental clearance ang mga nasabing establisyemento.
Bunsod nito, agad na nag-isyu ng notice of violations laban sa mga online casinos ang pamahalaang lokal ng QC.
15 araw naman ang ibinigay sa kanila upang kompletuhin ang mga kinakailangang requirements.
Kabilang sa mga kumpanyang binigyan ng notice ay ang Omniworld Enterprise Inc., Great Empire Gaming and Amusement Corporation at Singtech Enterprise Inc.