Nagtaas na ng pasahe ang ilang mga premium P2P o Point to Point Buses bunsod na rin ng patuloy na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Batay sa ulat, simula Hunyo 1, tumaas ng 20 pesos ang singil ng mga bumibiyaheng RRCG Transport P2P buses habang nag-anunsyo naman ng dagdag singil sa pasahe ang Froelich Tours simula sa Hunyo 15.
Ayon sa Froelich Tours, tataas sa 65 pesos mula 60 pesos ang pamasahe sa kanilang P2P buses na bumibiyahe mula North Edsa hanggang Madaluyong City.
Habang 20 pesos naman ang itinaas ng pasahe sa kanilang P2P bus na may biyaheng North Edsa hanggang Makati City kung saan mula sa dating 75 pesos ay magiging 95 pesos na.
Samantala, ipinaliwanag naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na kanilang inaprubahan ang nasabing taas pasahe sa mga P2P buses dahil pasok pa rin anila ito sa kanilang itinakdang maximum fare.
—-