Nagdeklara na ng state of emergency ang ilang Local Government Units o LGUs dahil sa hindi paghupa ng baha na dulot ng matinding ulan.
Ayon kay Mayor Femy Domingo ng Licab, Nueva Ecija, 2,632 families na ang apektado ng tatlong araw na pagbaha sa kanyang bayan.
Nanawagan din si Domingo sa national government na tulungan sila lalo na ang mga magsasaka na nangangailangan ng medical aid, relief goods, at livelihood assistance.
Samantala, inilagay na rin sa state of calamity ang lungsod ng Dagupan at mga bayan ng Santa Barbara, Bugallon, Lingayen, at Mangatarem sa Pangasinan.
Pahayag ni Rondale Castillo, information officer ng Pangasinan-Provincial Risk Reduction Disaster Management Office, 15 lugar sa kanilang probinsya ang lubog pa rin sa baha.
Kabilang dito ang Agno, Alaminos, Bautista, Bayambang, Bugallon, Calasiao, Dagupan, Dasol, Lingayen, Malasiqui, Mangaterem, Natividad, Urdaneta, San Carlos at Santa Barbara.
Samantala, isinailalim narin sa state of calamity ang Balanga City sa lalawigan ng Bataan kasunod ng mga nararanasang pagbaha sa ilang barangay doon.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Bataan, ilang barangay officials na ang nagtutulong-tulong upang maglunsad ng operasyon para sa posibleng paglikas ng mga residenteng kailangang dalhin sa mga evacuation center.
Base sa ulat, pansamantalang mananatili ang mga evacuee sa Bataan National High School at Bataan People Center.
Pinayuhan naman ng Bataan LGU ang mga residenteng nasa mga low-lying areas na magtungo sa mga bahay o mga gusaling may dalawang palapag para sa kanilang kaligtasan habang naghihintay ng rescue.
Sa ngayon patuloy na nakararanas ng mga pagbaha ang ilang lugar sa Bataan dahil sa hanging habagat na pinalakas ni Bagyong Josie.
Pinaalalahanan naman ng Bataan LGU ang mga residente sa kanilang lugar na agad makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan sakaling mangailangan ng agarang tulong.
(Jopel Pelenio)