Hindi nararamdaman ng mga nasa probinsya na sapat ang supply ng bakuna dahil maraming hindi pa nabakunahan o kaya ay patuloy na naghihintay ng kanilang second dose.
Binigyang-diin ito ni Senador Nancy Binay matapos suportahan ang panawagan ng local government units sa labas ng NCR na maging mas equitable sa pamamahagi ng COVID-19 vaccines.
Sinabi ni Binay na umaapela siya sa National Government partikular kay vaccine czar Carlito Galvez Jr. na bigyan ng dagdag na alokasyon ng COVID-19 vaccine, ang LGUs na nasa labas ng NCR matapos nitong ihayag na sa katapusan ng Oktubre ay makatatanggap ang bansa ng nasa 100M doses ng bakuna.
Ayon pa kay Binay, kung sinasabi ng gobyerno na natugunan na ang problema sa suplay ng bakuna ang susunod na hakbang ay kung paano ito ipamamahagi sa mga probinsya
Hindi aniya makatwirang bubuksan na ang bakunahan sa general population at handa na ding bakunahan ang mga menor de edad, subalit marami pa ring mga probinsya ang nahihirapang makatanggap ng bakuna para sa mga kabilang sa A1 hanggang A3 priority groups–-mula sa ulat ni Cely Bueno (Patrol 19)