Lubog pa rin sa baha ang ilang probinsya sa Luzon dahil sa patuloy na pag-ulan dala ng hanging habagat na pinalakas pa ng bagyong Inday.
Nagdeklara na ng state of calamity ang Bacoor, Cavite dahil sa matinding epekto ng pagbaha.
Ayon kay Mayor Lani Mercado, higit 60 mula sa kabuuang 73 barangay ang binaha na nagresulta sa paglikas ng higit 20 pamilya.
Habang unti-unti namang humupa ang tubig sa Naic at Kawit, Cavite.
Sa Bataan, higit 500 mga residente ang inilikas matapos na umapaw ang tubig sa isang ilog sa Hermosa.
Umabot hanggang bewang ngunit kinalaunan ay bahagya ring bumaba ang baha sa Dinalupihan, Morong at Hermosa.
Pinayagan namang makauwi na ang mga residente matapos na bumaba ang tubig baha sa Abucay at Mariveles, Bataan.
Nasa 28 barangay naman sa probinsya ng Pampanga ang lubog pa rin sa tubig matapos na umapaw ang ilog sa Macabebe.
Lubog din ang ilang bahagi ng San Tomas, San Fernando, Apalit at San Simon.
Sa Zambales, higit 100 mga katutubo ang bumaba mula sa bundok matapos na makaranas ng flashflood.
Apatnaraang (400) residente naman ang dinala sa evacuation area matapos na magpatupad ng preemptive evacuation malapit sa dike sa bayan ng Castillejos.
Naitala rin ang dalawa hanggang apat na metrong baha sa San Antonio at Subic, Zambales.
Samantala, malaking bahagi pa rin ng Camanava o Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela ang lubog sa baha.
Mataas pa rin ang tubig sa barangay Coloong at Dalandanan dahilan para lumikas ang may 200 mga residente sa Valenzuela.
Siniguro ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela na natutugunan ang pangangailangan ng mga evacuees gayundin ang kalusugan ng mga ito.
Bahagya naman bumaba ang tubig partikular sa mga kalsada sa Caloocan, Malabon at Navotas.
Nanatili rin sa evacuation center ang higit 200 indibiduwal mula sa barangay Silangan sa Quezon City.
Hindi umano papayagan ang mga ito na bumalik sa kanilang mga tahanan hangga’t hindi gumaganda ang panahon.
Samantala, nakauwi na maraming mga evacuees sa Marikina City.
Bumaba na kasi ang lebel ng tubig sa Marikina River gayundin ang baha sa kani- kanilang mga lugar.
—-